KULUNGAN NA WALANG REHAS (Isang Maikling Kwento)


KULUNGAN NA WALANG REHAS

“Anak, tapusin mo ang pag-aaral mo; nang sa gano’y magkaroon ka ng magandang kinabukasan.” Ito ang  bukam-bibig ng balong si Aling Nena sa kanyang Anak na si Badong sa araw-araw na ginawa ng Diyos.  Si Badong ay nag-iisang anak. 19-anyos at medyo may pagka-“happy-go –lucky” ang takbo at ayos ng kaniyang  pamumuhay; hihingi ng pambaon, pang-tuition at sympre, pang-gimmick. Hindi nawawala sa schedule ni Badong ang “Gimmick,” lalo na kapag weekend. Sa isip niya, isang malaking kawalan kapag hindi siya naging “in” at makisama sa mga happenings ng barkada. Patuloy ang ganitong lifestyle ni Badong hanggang sa nabuntis niya ang kanyang girlfriend. Noong una ay pilit itinatago ni Badong ang pagbubuntis ng kanyang girlfriend sa takot na baka hindi ito tanggapin ng kanyang Ina. Ngunit matalas ang pakiramdam ni Aling Nena. Alam niyang may malaking alalahanin ang kanyang anak. Isang umaga, habang naghahanda sa pagpasok sa eskwela si Badong:
“Badong, parang balisa ka yata?  May problema ka ba?” tanong ni Aling Nena.
“ Wawawa-la naman po, Nay,” nauutal na sagot ni Badong.
“Huwag kang mahiyang magsabi kung may problema ka ha. Nanay mo ako kaya handa kitang tulungan sa abot ng makakaya ko,” malumanay na sagot ni Aling Nena.

Biglang naputol ang kanilang usapan, sapagkat nagmamadali nang umalis si Badong papunta sa kanyang eskwelahan.
Kaka-isip sa kanyang pinasok na sitwasyon, unti-unting napabayaan ni Badong ang kanyang pag-aaral at gawa nang hindi na niya kayang itago ang kinikimkim na alalahanin, napilitan siyang sabihin na ang lahat sa kanyang Ina.
“Nay, may sasabihin sana ako pero wag po sana kayong magagalit,” ani Badong.
“Sige, Anak. Ano ba yun?” tugon ni Aling Nena.
“5 Months pregnant na po kasi ang girlfriend ko. Hindi ko na po alam ang gagawin ko, “ umiiyak na wika ni Badong.
Napatahimik sumandali si Aling Nena na tila baga isang kutsilyo ang tumusok sa kanyang dibdib. Hindi dahil sa bata sa sinapupunan, kundi dahil alam niyang hindi magiging madali para sa kanyang anak ang tatahakin nitong landas bilang isang batang ama.
“Ayoko na tatawagin akong lola. Gusto ko mamita para hindi naman masyadong matanda na ang dating ko,” pabirong sagot ni Aling Nena. “Nakapagpa-konsulta na ba kayo sa Doktor? Kung hindi pa, tara at sasamahan ko kayong magpa-konsulta para alam natin ang lagay ng bata. Aalagaan niyong mabuti ang magiging anak niyo ha. Biyaya yan ng Diyos. Pagkapanganak ng girlfriend mo, ayusin na rin natin ang kasal ninyo,” dagdag pa niya.
“Ok po, Nay at Salamat po,” sagot ni Badong sabay yakap ng mahigpit sa kanyang Ina.
Makalipas ang ilang buwan ay naipanganak na ang bata at binigyan nila ito ng pangalang John Paul. Masayang-masaya ang lahat sa pagdating ng bagong miyembro  ng pamilya. Naikasal na rin si Badong sa kanyang girlfriend.
Dala ng pangangailangang itaguyod ang kanyang bagong pamilya, napilitan si Badong na huminto sa pag-aaral at pumasok ng trabaho. Hindi naman siya gaano nahirapan makahanap ng trabaho dahil umabot naman siya ng 3rd year college.  Yun nga lang, hindi ganoong kalaki ang kanyang sahod, hnidi sapat para sa pang-gatas at pang-araw araw nilang gastos. Mabuti na lang at nandyan palagi si Aling Nena upang umalalay sa kanila.
Nagpatuloy ang ganitong set-up sa pagitan  ni Aling Nena at sa pamilya ni Badong. Isang araw, nagkasakit si John Paul at kinailangang dalhin sa Ospital. Malala ang naging sakit ng bata na muntik pa nitong ikamatay. Ayon sa mga Doktor na sumuri, isa ang kapabayaan ng magulang kung bakit lumala ang sakit ng bata. Walang naitatagong pera si Badong at hindi niya alam kung saan kukuha ng pambayad.  Kagaya ng dati, si Aling Nena ulit ang sumagot sa karamihan ng gastos para mailabas na ang bata sa Ospital.  Ito ay sa kabila na walang ring naitatagong malaking pera si Aling Nena. Naubos ang kaunitng savings ni Aling Nena at dahil hindi pa sapat, nagawa nitong umutang sa iba’t-ibang tao. Sa kagustuhan ni Aling Nena na hindi na masyadong mag-alala pa ang kanyang anak, hindi na niya ipinaalam ang ginawa niyang pag-utang. 

***********************************************************************

Makalipas ang ilang buwan, lumipat si Badong ng kompanya na may mas malaking sahod at mas magandang mga benefits. Ang kaso, hindi pala magiging magandang impluwensya ang kanyang mga bagong ka-trabaho. Nagbalik si Badong sa dati niyang buhay na happy-go-lucky.  Gimmick dito at gimmick doon. Walang magawa ang kanyang asawa kung kaya’t pumasok na sa eksena si Aling Nena.
“Anak, ano bang ginagawa mo? May pamilya ka na kaya dapat sila na ang focus mo,” pagsamo ni Aling Nena.
“Minsan lang naman kami lumabas eh,” tugon ni Badong.
“Minsan? Sabi ng asawa mo madalas ka daw umuwi ng sobrang gabi na. Saan ka ba nagpupunta? Sino na mga kasama mo?” tanong ni Aling Nena.
“Ano ba naman yan! May sarili na akong pamilya! Hindi na ako bata. Ginagawa mo naman akong preso. Para akong Preso na nakakulong sa mga kulungan na walang rehas!” pagalit na sagot  ni Badong sabay alis ng bahay.
Dinamdam ito ni Aling Nena, pero dahil mahal na mahal niya ang kanyang anak at pamilya nito, nanatili pa rin ang kanyang suporta.

************************************************************************

Sa di inaasahang pagkakataon, umulit ang sakit ni John Paul. Isinugod muli sa Ospital ang bata at 50-50 ang tyansang mabuhay. Wala pa ring nakatagong pera si Badong at si Aling Nena na naman ang halos gumawa ng lahat ng paraan para makapag-produce ng perang pambayad sa Ospital. Hindi pa halos nababayaran ni Aling Nena  ang kanyang pagkaka-utang noon, pero heto na naman siya at handang  umutang muli para lang madugtungan ang buhay ng kanyang Apo. Kagaya noon, hindi pa rin ipinialam ni Aling Nena kay Badong ang mga ginagawa niyang pag-utang.
Alam ni Aling Nena sa kanyang sarili na hindi na dapat niya kargo ang kanyang anak dahil sa may pamilya na itong sarili, subalit nangingibabaw kay Aling Nena ang matinding pagmamahal at awa sa kalagayan ng kanyang Anak at Apo. Kaya kahit na masaktan siya ng sobra at mabaon sa utang ay ayos lang. Alang-alang sa ika-gagaan ng buhay ng kanyang mga minamahal.
Naging maayos na ang lagay ni John Paul at nailabas na din siya sa Ospital. Ang dagok na ito ang nagbigay kay Badong ng masidhing pagnanasa na magbagong-buhay muli. Tinalikdan ni Badong ang kanyang mga dating gawi at makalipas ang ilang taon, ay  unti-unti na rin siyang umunlad sa kanyang paghahanap-buhay. Dahil dito, nakapagpundar na siya ng sariling bahay para sa kanyang  pamilya. Tuwang-tuwa si Aling Nena sa mga accomplishments na ito ng kanyang Anak.
“Anak, proud na proud ako sa mga nagawa mo. Mag-ipon ka para sa kinabukasan ng anak mo at ng mga magiging anak mo pa,” may galak na sinabi ni Aling Nena.
“ Oo nga, Nay eh. Malaki ang naging parte mo kung ano ang tinatamasa ng pamilya ko ngayon. Hindi man kami mayaman, pero at least, desente na ang pamumuhay namin ngayon.  Thank You at I Love You!” nakangiting sagot ni Badong.
Naiyak si Aling Nena dahil sa isang bihirang pagkakataon ay narinig niyang mag-I Love You sa kanya ang kanyang anak. 
Lingid sa kaalaman ni Badong, ang kanyang Ina ay nalubog sa napaka-raming utang sa iba’t-ibang tao. Walang balak si Aling Nena na takasan ang pagbabayad sa mga pagkaka-utang na ito, kaya nga mas pinili niya na manatili na lamang sa kanyang lumang bahay kaysa sumama kina Badong sa bago nitong bahay. Bukod dito, ay ayaw na ring gambalain pa ni Aling Nena ang umuunlad na pamumuhay ng kanyang anak. Para sa kanya, sapat na na makita na maayos ang takbo ng buhay ng kanyang anak.
Sa lahat ng kanyang mga ginawa, walang pagsisisi si Aling Nena. Kahit pa inilagay siya ng mga pangyayaring ito sa isang sitwasyon na para siyang preso  - presong nakapiit, sa salita nga noon ni Badong,  sa "kulungan na walang rehas." 

 







  




No comments:

Post a Comment